ako si grAciE.


i sing. i dance. i act. i laugh. i cry. i eat. i drink (syempre!). i read (as in!). now, i'll try to write.
   

<< September 2009 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03 04 05
06 07 08 09 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30





rss feed


 
Saturday, May 30, 2009
bitaw

Bitaw ang tagalog ng "let go". Ayoko ko 'tong gawin, I hold on to things. Mga sulat, cards, pictures at kung anu-ano pa.
I don't like to throw away things, feeling ko kase me pag gagamitan pa ko ng mga yun kahit na 5 years na syang tambak sa aparador ko. Regular naman ang "general cleaning" dito sa bahay namin pero ewan ko ba bat madami pa ring kalat.

Sa mga panahong ito, mas gusto ko ang luma. Kahit sa music, nagugustuhan ko ngayon yung mga lumang kanta. Yung kay Nat King Cole, Frank Sinatra, (pili lang ha...) Lionel Richie at Stevie Wonder. Pati nga Simply Red pinapakinggan ko na din at pinanood ko pa yung mga lumang MTV nila.

I usually dwell in the past. Sabi ng iba tama daw ito para mas lalo mong maintindihan yung patutunguhan mo. Pero ako nahihirapan pag bumabalik sa nakaraan. Siguro sa music at sa mga abubot okey lang pero sa damadamin, hindi.

Pag nakakakita ako ng  isang bagay, naalala ko yung kwento sa likod nito. May nakakatawa, nakaka-inis o kaya naman nalulungkot. Katulad na lang ng mga lumang damit, masarap balikan yung mga sandaling kasya pa ito sa akin. 

Pag nakikita ko naman ang isang tao, naalala ko lahat ng ginawa nya sa akin. At mas madalas na pangit yung naalala ko kaysa sa mabuti. Alam ko mali yun. Mahirap kontrolin yung emosyon lalo na pag galit ka o kaya dismayado sa takbo ng sitwasyon. Disappointment is inevitable but discouragement is a choice.

"Take your hands off me" madalas sigaw sa mga pelikulang Ingles kapag hinahawan sila ng tao na ayaw nila.  Sa tagalaog naman "bitiwan nyo ko" sabi ng bida sa mga kidnaper kapag hawak sya sa magkabilang kamay at nagpupumiglas na makawala.

Ako kaya, kelan bibitaw? Sa masasakit na nakaraan. Sa mga bagay na nagpapahirap ng loob ko. Sa mga taong nakikita ko at di maiwasang makapag salita ng masakit.

Talagang kailangan ko munang tanungin ang sarili ko kung ano yung mga dapat kong bitawan. Kahit mabasag o kaya mawala.  Ang importante wag ko na silang hukayin at balikan.


 

 

Posted at 8:32 pm by gorjus_gracie
(2) humirit  

 
Sunday, October 26, 2008
bintana

Mabilis ako mainip. Lalo na pag malayo ang biyahe, matagal dumating yung inaantay mo at saka lalong-lalo na kung yung inaantay mo eh nakalimutang me nag-iintay pala sa kanya.
Pambihira.
Kaya ang sagot ko libro. Para sa 'kin eto talaga ang katapat ng pag-iintay. walang ibang mas masarap na kasama. The perfect companion ika nga ng iba.

Hala basa na ng makarami.

Kaya lang pag nasa biyahe ako, nami-miss ko yung mga pwede kong makita sa labas ng bintana. Madalas pa nga gusto ko talagang kunin na upuan yung window seat kasi gusto ko ng ilaw at aircon. Dati rati nakikipag diskusyon pa ko sa ate ko kung bakit gusto ko dun maupo. Ngayon sanay na sya, para bang kahit mauna syang umakyat ng bus o van man yan eh akin na talaga yung pwesto.
At kahit nakaupo ako sa may bintana, nakalimutan ko ng tignan yung nasa kabila ng salamin. Minsan nga nagrereklamo pa ko kasi "tinted" yung iba, kaya ayun madilim tuloy at ang hirap magbasa.

Kapag nasa Batangas ako, napapansin kong madaming bahay dun na me malalaking bintana.Gawa sa kahoy at sa capiz, yung tipong i-uusog mo ng dahan-dahan para mabuksan. Magaganda sila lalo na kapag buo pa, yung iba kasing mga ganun sira na. Marahil sa tagal na din at kalumaan nito kaya yung iba pinapalitan ng salamin o kaya naman grills.

Siguro kaya ganun kalalaki yung mga bintana nila para makita nila agad yung parating. Sa laki ba naman imposibleng di mo  matanaw agad. Pwede ring...doon sila dumaan kung may balak magtanan o kaya naman kung natanaw nila na paparating na ang mga Hapon. O kaya'y  pwede ring para makita mong mabuti  yung nanghaharana sayo.

Itatanong ko na lang sa Inay ko yung dahilan kung bakit ganun pag uwi ko sa min. Dito sa Maynila ginagamit namin yung bintana na orasan. Malaki kase yung bintana ng kuwarto namin kaya alam mo na umaga kapag pumasok na yung liwanag at nakarinig ka ng nag-uunahang tricycle. Nagagamit din sha para makita mo kung sino yung kumakatok sa gate, si Papa ba o yung nangongolekta ng basura. Basta ginagamit namin yun sa pagtanaw ng mga tao sa labas at maging ng mga bagay.

Eh pano kapag buhay yung gusto mong tanawin? Anong klaseng bintana yung gagamitin? Yun bang clear, tinted o may grills? Madalas ko itong marinig sa mga lamay o kaya kapag may ililibing. Tinatanaw ang buhay sa pamamagitan ng bibig. Bibig ng kamag-anak, kalaro o kaya'y kaibigan. Mga bagay na ginawa nya noong buhay pa sya na naalala nila. Maaring masaya o kaya malungkot, pero isa lang ang layunin nila. Ang alalahanin ang nakaraan.

Paano nga  ba tinatanaw ang buhay? Masaya ba o malungkot? Mata ba o bibig ang dapat gamitin? Dapat ba palaging nakabatay sa nakaraan o pwede rin yung  ngayon?

Subukan nating tanawin ang kabutihan ng Diyos ngayon o  kaya kahit bukas. Mula sa mga bintana ng puso at isipan natin. May nakikita ka pa ba? O baka kailangan nang hugasan ng dugo ni Jesus para may maaninag ka kahit kaunti.


Posted at 6:10 am by gorjus_gracie
hirit ka?  

 
Friday, November 02, 2007
Si Tita Nineng

Me bago kaming challenge.
Yung pinsan ko kase, ang bata-bata pa meron ng boyfriend. Hindi naman ako against sa mga BF as i always say. Kaya lang feeling ko masyado pang bata yung pinsan ko para magkaron ng relationship.
She's just 14 years old. Dehins ko talaga ma-gets.

Actually hindi na'to bago. Lagi ko nga ito naririnig sa mga kapitbahay kong madalas na nagkwekwentuhan sa tapat. At maski sa loob ng pamilya ko.
Ilan din sa mga kapatid ni Papa ang nag asawa ng maaga, mga ibang kamag-anak namin na nabuntis habang nasa college.
Balita ko kina tita, madalas daw me ka-chat si pinsan. Halos di raw tumatayo sa harap ng computer at kapag pinansin mo eh magkikita kayo mata sa mata (yung tipong pandidilatan ka!).
Normal na sigurong sabihin na nag aalala ka. Lalo na kapag alam mong malaki yung posibilidad na may mangyaring di maganda. Huling taon na kase nya sa highschool.

Madami na rin akong nakitang ganito.
Ang ayoko lang eh makita ko ang pinsan ko na nasa ganung sitwasyon. Pangarap kase ng mga magulang na makitang nakatapos yung mga anak nila. Masakit kasing marinig yung boses ng kapatid ni Papa na umiiyak. Nagpupumilit na puntahan ko raw yung anak nya at kausapin ko para tumino.
Sa madaling salita, sinunod ko naman. Kinausap ko, pinaliwanag ang pro's at con's ng pagkakaron ng bf kahit na wala pa kong experience. Sa edad kong 'to feeling ko me nasabi naman akong tumagos sa kanya. Naiyak pa nga eh. May dalawang buwan na rin siguro nung nangyari 'to.

Kanina dumating si Tita Nineng, kasama nya yung dalawang anak nya. Dumalaw  kase sila sa Loyola. Mukha naman syang masaya, kuntento. Siguro kase dahil naka-alis na yung asawa nya papuntang Saudi. Matagal ding nabakante yun dito sa Pinas kaya si Tita Nineng yung nagtratrabaho para sa pamilya nila. Balita ko nga nagpadala na daw. Medyo maliit nga lang, pero ok na din. Bunso sa mga babae si Tita Nineng, bata pa sya nung mag asawa kaya di sha nakatapos.

Ang madalas kong naalala kay Tita Nineng nung bata pa ko, lagi nya kaming dinadalahan ng pasalubong. Sya din ang pinaka-masarap na magluto ng pansit sa pamilya namin. Pag kelangang magluto ng pansit, sya agad yung tatawagin. Lahat naman ng mga kapatid ni Papa marunong magluto siguro kanya-kanyang specialty lang talaga. Laging manok ang sinasahog nya at nasa ibabaw lang yung gulay parati. At sya din ang nagpakilala sa'kin ng Yakult at biskwit na Marie.

Kausap ko sya kanina.Kinamusta ko na rin si 'insan. Sabi nya ganun pa din daw. Madalas pa ding ginagawa yung mga hindi dapat gawin. Wala na daw shang boyfriend. Pero ang sabi ni Tita parang meron pa din. Ang sabi ni Tita sa kanya na daw nag o-open up si 'insan ng mga crush nya. Kaya nung minsan na magkwento eh napagsabihan na din nya. Nagalit daw at ang sabi pa kung ganun na pagagalitan lang daw sha eh hindi na sya magkukwento.

Tinanong ko si Tita Nineng kung anong sinabi nya ke 'insan, eto ang sinagot nya sa'kin "Hay naku hindi kita kukunsintihin sa  bagay na yan, kita mo na lang 'tong nangyari sa'kin."
Kanina ko lang narinig sa kanya yung mga ganung statement. Medyo nagulat ako, di ko akalaing gagawin nyang halimbawa yung sarili nya ke 'insan. Pero natuwa din ako dahil alam kong me bago akong natutunan.
 Yung nakaraan nya ayaw nyang maulit sa amin. Nakita din pala nya yung bunga ng mga maling desisyon na nagawa nya noon.  Ang dalangin ko lang matutunan ng pinsan ko yung aral ng mga nakaraan. Kahit di na sa ibang tao, kay Tita na lang.



Posted at 9:51 pm by gorjus_gracie
(1) humirit  

 
Wednesday, October 17, 2007
Champorado at Kapeng Barako

Ewan ko nga ba bakit bigla ko nang napabayaan 'tong blog ko. Dati naman pinipilit kong sumulat kahit isang beses sa isang buwan. Hindi ko man lang namalayan na lumipas na pala ang isang taon at dalawang buwan na wala man lamang akong nasulat.
Kawawa naman.
Kaya eto try ko ulet magsulat.

Me gusto akong kainin.
Gusto kong kumain ng champorado.
Sana yung gawa ni Nanay( yung Lola ko. Nanay talaga sha ni Papa kaya lang nanay yung tawag ko sa kanya kase nga patay na talaga yung totoo kong nanay). Masarap kase magluto si Nanay ng champorado. Perfect!
Yung di masyadong matubig, malapot yung sabaw tapos di mapait yung timpla ng cocoa. Tsaka purong malagkit lang yung ginagamit nya.
Ayoko ng gatas na evap sa champorado, mas gusto ko yung powder. Kase yung evap humahalo sa sabaw, tapos brown na din sha. Parang wala ng pinag-kaiba. Eh yung powder pag nilalagay sa champorado, pwedeng hindi haluin, sa ibabaw mo lang ilagay tapos kainin mo na. Pag wala ng gatas yung ibabaw nun, lagyan mo ulet hanggang sa maubos.
Magastos no? Pero masarap naman.

Na-try nyo na bang isabaw sa kanin yung Kapeng Barako? Masarap sha, pramis. Sa Batangas kase eto yung madalas na almusal.  Mas madalas pa 'tong kainin kesa sa pandesal. Si Inay naman ang nagturo sa'kin na kumain ng sinabawang kanin. Si Inay yung nanay ni Mama, hinahain nya 'to na me kasamang tuyo. Nung una ayoko kase laking Maynila ako. Ayoko yung kape nila sa probinsya...madumi. Me latak kase. Pag sanay kang uminom ng Milo at Nescafe na galing sa grocery, eh mahihirapan kang mag-adjust sa lasa. Pati na sa texture. Pero nung natikaman ko, aba'y masarap din naman pala.
Kakaiba. Pero masarap.

Kahit wala na yung totoo kong nanay, blessed pa rin ako. Kase dalawa naman yung naging kapalit nya. Parehong magaling magluto, maputi maglaba ng damit, maalaga, at higit sa lahat mahal ako, kaming lahat na mga apo nya.
Mahigpit lang talaga ang mga nanay no? Pero ngayong malaki na ko, mas lalo kong na-appreciate si Nanay at si Inay. Lahat ng bilin, paalala, at pati na yung walang kamatayang bilin na "pagtulog sa tanghali". Di ko 'to madalas sabihin sa kanilang dalawa, kung gano ka sila kamahal. Pero alam ko ramdam naman nila yun pag nagmamano ako at humahalik sa kanila. Pareho silang malayo sa 'kin ngayon, si Nanay nasa Dasma, si Inay naman nasa Batangas.
Kaya excited na kong magbakasyon, para makita ko n silang dalawa.
Oo nga pala, meron akong pangatlong nanay. Si Tita Sonia, yung stepmom ko.Big Smile



 


 

Posted at 10:33 pm by gorjus_gracie
hirit ka?  

 
Saturday, July 22, 2006
simple pleasures

Eto na nga...

1.Ang matulog - medyo mahirap 'to gawin ngayon,kahit na madalas pang umulan.Kase di na ko estudyante kaya di ko na inaasahang mawawalan ako ng pasok. :-( Natutwa talaga ko kapag kumpleto ang tulog ko.

2.Ang magbasa ng mga libro - walang pinipiling oras, lugar o panahon. Kahit saan pwede,swak na swak sa akin lalo na pag may duyan.

3.Ang kumain - ng tsokolate! Kahit ano basta tsokolate,maski champorado pa yan. Kahit chocnut,talo-talo na. Pero mas masarap kumain pag libre!

4.Ang magpakuha ng litrato - "camera ready" ika nga nila sa opis. Hindi ako mahilig sa solo picture,mas marami mas maganda para sa 'kin. Cute din 'to pag me artista kang kasama.

5.Ang maligo - lalo na sa ulan. Hindi dahil ayokong maligo sa banyo, araw-araw po ko naliligo. Naisip ko lang na mas masarap maligo sa ulan pag nasa bukid ka.Maluwag at pwedeng- pwede pa kayo maghabulan.Yun nga lang walang alulod.  

6.Ang kumanta - lalo na pag alam mo yung tamang lyrics at tono. Sarap kayang mag-videoke. Kahit wag na iskoran okey lang ang importante mailabas mo na lahat ng nasa loob mo bwa ha ha ha ha.

7.Ang makipag-usap - kay God sa umaga. Dapat sa Kanya muna mo sasabihin lahat ng nangyayari sa'yo bago sa iba. Sa lahat - basta usap! Kahit walang kape, matinong usapan lang.

8.Ang mamili sa ukay-ukay - mura lang kaya! Andami ng nagkalat nito sa Pilipinas,di mo na kailangang pumunta sa Baguio para lang mag-ukay.

9.Ang pag-inom ng Coke - masarap talaga. Sana kunin nila kong model...

10. Ang umiyak - hindi ko 'to habit. Hindi kasi katulad sa iba na mamumula yung ilong at mata mo, yung sa'kin namamaga talaga yung mukha ko.Buti na lang hindi ito trabaho ko,kundi pagkakamalan nilang minamanas ako...Pero masarap ding umiyak kay GOD, sa pamilya, sa mga kaibigan. Nakakalinis na ng mga mata,nakakagaang din ng loob.

 


Posted at 2:41 pm by gorjus_gracie
hirit ka?  

Next Page