Mabilis ako mainip. Lalo na pag malayo ang biyahe, matagal
dumating yung inaantay mo at saka lalong-lalo na kung yung inaantay mo eh
nakalimutang me nag-iintay pala sa kanya.
Pambihira.
Kaya ang sagot ko libro. Para sa 'kin eto talaga ang katapat ng pag-iintay.
walang ibang mas masarap na kasama. The perfect companion ika nga ng iba.
Hala basa na ng makarami.
Kaya lang pag nasa biyahe ako, nami-miss ko yung mga pwede kong makita sa
labas ng bintana. Madalas pa nga gusto ko talagang kunin na upuan yung window seat kasi gusto ko ng ilaw at aircon. Dati rati nakikipag diskusyon pa ko sa ate ko kung
bakit gusto ko dun maupo. Ngayon sanay na sya, para bang kahit mauna syang
umakyat ng bus o van man yan eh akin na talaga yung pwesto.
At kahit nakaupo ako sa may bintana, nakalimutan ko ng tignan yung nasa kabila ng
salamin. Minsan nga nagrereklamo pa ko kasi "tinted" yung iba, kaya
ayun madilim tuloy at ang hirap magbasa.
Kapag nasa Batangas ako, napapansin kong madaming bahay dun na me malalaking bintana.Gawa sa kahoy at sa capiz, yung tipong i-uusog mo ng dahan-dahan para
mabuksan. Magaganda sila lalo na kapag buo pa, yung iba kasing mga ganun sira na. Marahil sa tagal na din at kalumaan nito kaya yung iba pinapalitan ng salamin o kaya naman grills.
Siguro kaya ganun kalalaki yung mga bintana nila para makita nila agad yung
parating. Sa laki ba naman imposibleng di mo matanaw agad. Pwede
ring...doon sila dumaan kung may balak magtanan o kaya naman kung natanaw nila
na paparating na ang mga Hapon. O kaya'y pwede ring para makita mong mabuti
yung nanghaharana sayo.
Itatanong ko na lang sa Inay ko yung dahilan kung bakit ganun pag uwi ko sa min. Dito sa Maynila
ginagamit namin yung bintana na orasan. Malaki kase yung bintana ng kuwarto
namin kaya alam mo na umaga kapag pumasok na yung liwanag at nakarinig ka ng
nag-uunahang tricycle. Nagagamit din sha para makita mo kung sino yung
kumakatok sa gate, si Papa ba o yung nangongolekta ng basura. Basta ginagamit
namin yun sa pagtanaw ng mga tao sa labas at maging ng mga bagay.
Eh pano kapag buhay yung gusto mong tanawin? Anong klaseng bintana yung
gagamitin? Yun bang clear, tinted o may grills? Madalas ko itong marinig sa mga
lamay o kaya kapag may ililibing. Tinatanaw ang buhay sa pamamagitan ng bibig.
Bibig ng kamag-anak, kalaro o kaya'y kaibigan. Mga bagay na ginawa nya noong buhay pa sya na naalala nila. Maaring masaya o kaya malungkot, pero isa lang ang layunin nila. Ang alalahanin ang nakaraan.
Paano ngaba tinatanaw ang buhay? Masaya
ba o malungkot? Mata ba o bibig ang dapat gamitin? Dapat ba palaging nakabatay sa nakaraan o pwede rin yung ngayon?
Subukan nating tanawin ang kabutihan ng Diyos ngayon okaya kahit bukas. Mula sa mga bintana
ng puso at isipan natin. May nakikita ka pa ba? O baka kailangan nang hugasan
ng dugo ni Jesus para may maaninag ka kahit kaunti.