Me bago kaming challenge.
Yung pinsan ko kase, ang bata-bata pa meron ng boyfriend. Hindi naman ako against sa mga BF as i always say. Kaya lang feeling ko masyado pang bata yung pinsan ko para magkaron ng relationship.
She's just 14 years old. Dehins ko talaga ma-gets.
Actually hindi na'to bago. Lagi ko nga ito naririnig sa mga kapitbahay kong madalas na nagkwekwentuhan sa tapat. At maski sa loob ng pamilya ko.
Ilan din sa mga kapatid ni Papa ang nag asawa ng maaga, mga ibang kamag-anak namin na nabuntis habang nasa college.
Balita ko kina tita, madalas daw me ka-chat si pinsan. Halos di raw tumatayo sa harap ng computer at kapag pinansin mo eh magkikita kayo mata sa mata (yung tipong pandidilatan ka!).
Normal na sigurong sabihin na nag aalala ka. Lalo na kapag alam mong malaki yung posibilidad na may mangyaring di maganda. Huling taon na kase nya sa highschool.
Madami na rin akong nakitang ganito.
Ang ayoko lang eh makita ko ang pinsan ko na nasa ganung sitwasyon. Pangarap kase ng mga magulang na makitang nakatapos yung mga anak nila. Masakit kasing marinig yung boses ng kapatid ni Papa na umiiyak. Nagpupumilit na puntahan ko raw yung anak nya at kausapin ko para tumino.
Sa madaling salita, sinunod ko naman. Kinausap ko, pinaliwanag ang pro's at con's ng pagkakaron ng bf kahit na wala pa kong experience. Sa edad kong 'to feeling ko me nasabi naman akong tumagos sa kanya. Naiyak pa nga eh. May dalawang buwan na rin siguro nung nangyari 'to.
Kanina dumating si Tita Nineng, kasama nya yung dalawang anak nya. Dumalaw kase sila sa Loyola. Mukha naman syang masaya, kuntento. Siguro kase dahil naka-alis na yung asawa nya papuntang Saudi. Matagal ding nabakante yun dito sa Pinas kaya si Tita Nineng yung nagtratrabaho para sa pamilya nila. Balita ko nga nagpadala na daw. Medyo maliit nga lang, pero ok na din. Bunso sa mga babae si Tita Nineng, bata pa sya nung mag asawa kaya di sha nakatapos.
Ang madalas kong naalala kay Tita Nineng nung bata pa ko, lagi nya kaming dinadalahan ng pasalubong. Sya din ang pinaka-masarap na magluto ng pansit sa pamilya namin. Pag kelangang magluto ng pansit, sya agad yung tatawagin. Lahat naman ng mga kapatid ni Papa marunong magluto siguro kanya-kanyang specialty lang talaga. Laging manok ang sinasahog nya at nasa ibabaw lang yung gulay parati. At sya din ang nagpakilala sa'kin ng Yakult at biskwit na Marie.
Kausap ko sya kanina.Kinamusta ko na rin si 'insan. Sabi nya ganun pa din daw. Madalas pa ding ginagawa yung mga hindi dapat gawin. Wala na daw shang boyfriend. Pero ang sabi ni Tita parang meron pa din. Ang sabi ni Tita sa kanya na daw nag o-open up si 'insan ng mga crush nya. Kaya nung minsan na magkwento eh napagsabihan na din nya. Nagalit daw at ang sabi pa kung ganun na pagagalitan lang daw sha eh hindi na sya magkukwento.
Tinanong ko si Tita Nineng kung anong sinabi nya ke 'insan, eto ang sinagot nya sa'kin "Hay naku hindi kita kukunsintihin sa bagay na yan, kita mo na lang 'tong nangyari sa'kin."
Kanina ko lang narinig sa kanya yung mga ganung statement. Medyo nagulat ako, di ko akalaing gagawin nyang halimbawa yung sarili nya ke 'insan. Pero natuwa din ako dahil alam kong me bago akong natutunan.
Yung nakaraan nya ayaw nyang maulit sa amin. Nakita din pala nya yung bunga ng mga maling desisyon na nagawa nya noon. Ang dalangin ko lang matutunan ng pinsan ko yung aral ng mga nakaraan. Kahit di na sa ibang tao, kay Tita na lang.
Posted at 9:51 pm by gorjus_gracie